PISTA O PIYESTA: Pagdiriwang ng Kultra at Pananampalataya ng mga Pilipino
PISTA O PIYESTA: Pagdiriwang ng Kultura at
Pananampalataya ng mga Pilipino
Ang pista ay higit pa sa isang simpleng
pagdiriwang sa Pilipinas ito ay isang pagtitipon
ng mga tao upang ipagdiwang ang kanilang
pananampalataya, pasasalamat, at
pagdadamayan. Mula sa mga kilalang piyesta,
hanggang sa mas malilit na pista sa bawat
baryo, mahalaga ang piyesta sa bawat
komunidad. Sa buong taon, puno ng kulay ang
bawat bayan at lungsod sa Pilipinas dahil sa mga pista. Ang mga ito ay paggunita sa mga patron ng simbahan, at karaniwang may kasamang mga
parada, sayawan, at mga paligsahan. Halimbawa nito ang Panagbenga Festival sa Baguio, na kilala bilang pista ng mga bulaklak, at ang Sinulog
Festival sa Cebu, na nagpapakita ng masiglang
pagsayaw at paggalang kay Sto. Niño. Ang mga pistang ito ay hindi lamang pagdiriwang ng
relihiyon, kundi pagpapakita ng kulturang
mayaman sa kasaysayan at sining.
Kahalagahan ng Pista sa Buhay ng mga Pilipino
Ang pista ay simbolo ng pananampalataya.
Karaniwang iniuugnay ito sa pagdiriwang ng
kapistahan ng mga patron ng mga bayan. Ang mga santo at santa ay may kani-kaniyang araw ng kapistahan, at tuwing ganitong mga panahon,nagdadasal ang mga Pilipino upang magpasalamat sa mga biyayang natanggap nila
at humiling ng patuloy na gabay. Ang pista sa
Pilipinas ay malalim na nakaugnay sa
pananampalataya at kultura ng mga Pilipino,
kung saan ang bawat pagdiriwang ay
sumasalamin sa kanilang debosyon sa mga
patron saints at mga paniniwalang espiritwal. Sa mga pistang tulad ng Sinulog sa Cebu, makikita ang simbolismo ng pananampalataya sa
pamamagitan ng sayaw na Sinulog, kung saan
ang ritwal na galaw pasulong at pabalik ay
nagsisilbing simbolo ng kasaysayan ng
Kristiyanismo sa lugar at pagpapakita ng
pasasalamat sa Sto. Niño. Sa parehong paraan,ang prosisyon, tulad ng Peñafrancia Festival sa Naga, ay nagdadala ng rebulto ng Our Lady of Peñafrancia sa paligid ng bayan, na sinusundan ng libu-libong deboto na nagpapakita ng kanilang taimtim na debosyon sa Birhen. Ang mga rebulto at imahe ng mga santo, na pinalilibutan ng mga bulaklak, kandila, at dekorasyon, ay nagsisilbing
visual na representasyon ng pananampalataya, at itinuturing ng mga deboto bilang simbolo ng
proteksyon at gabay sa kanilang komunidad. Ang mga pista ay nagiging panahon ng pagninilay at pagpapasalamat, at sa pamamagitan ng samasamang pag-awit, panalangin, at ritwal,
ipinapakita ng mga Pilipino ang kanilang matibay
na pananampalataya sa Diyos at ang kanilang
malalim na kaugnayan sa kanilang espiritwal na
pamana.
Makulay at Masayang Pista: Mga Karaniwang
Gawain
1. Prusisyon - Ito ang paglalakad ng mga tao sa
mga lansangan habang dala-dala ang mga
imahen ng mga patron. Isa itong paraan ng
pagsamba at pagpapakita ng pananampalataya.
2. Sayaw at Musika - Ang sayaw at musika, gaya ng mga drum at mga tradisyunal na kasuotan, ay nagpapakita ng kasiglahan ng bawat pista. Ang Sinulog sa Cebu ay kilala sa kanilang makukulay na sayaw, samantalang ang Ati-Atihan ay
nagpapakita ng mga sayaw na may face paint at
kakaibang kasuotan.
3. Pagkain - Hindi mawawala ang masasarap na pagkain tuwing pista. Mga handa gaya ng lechon,puto, pansit, longganisa, at iba't ibang kakanin
ang makikita sa bawat bahay bilang pag-welcome sa mga bisita at kamag-anak. Katulad na lamang ng Longganisa festival, Piyesta ng isang Lugar, at Piyesta ng Katoliko, na nangangahulugan ng salosalong pagkain at pagdiriwang sa mga Santo.
4. Mga Paligsahan at Palabas - Bukod sa
sayawan at musika, may mga paligsahan din sa iba't ibang baryo, tulad ng palaro, pagandahan ng kasuotan, at pa-kontes ng musika at sayaw na
nagpapasaya sa mga nanonood.
Ang Kahalagahan ng Pista sa Panahon ng
Modernisasyon
Sa panahon ng mga Kastila, na nagdala ng
Katolisismo sa bansa. Noon, ipinakilala ang
tradisyon ng pagdiriwang ng kapistahan ng mga
patron bilang bahagi ng pagpapalaganap ng
pananampalataya. Ang bawat bayan ay itinalaga
ng isang patron na magiging gabay at
tagapagbantay ng mga tao roon. Sa bawat
anibersaryo ng patron, ipinagdiriwang ang
kapistahan bilang pasasalamat sa mga biyayang
natamo sa buong taon.
Habang lumipas ang mga siglo, ang pista ay
naging bahagi na ng kultura ng bawat bayan at
naimpluwensiyahan ng lokal na kultura at tradisyon. Nagkaroon ito ng sariling
pagkakakilanlan sa bawat lugar-may mga lugar
na nagdaragdag ng mga sayaw, musika, at
paligsahan na kakaiba at natatangi sa kanila. Ang
mga ito ay nagiging paraan hindi lamang ng pananampalataya kundi pati na rin ng
pagpapakilala ng kanilang lokal na kultura sa mas
marami pang tao. Sa ganitong paraan, nagiging
tagapag-ugnay ang pista ng makalumang kultura
at makabagong henerasyon.
Sa kabila ng modernisasyon at pagbabagong
dulot ng globalisasyon, mahalaga ang pista
bilang isang paalala ng ating mga pinagmulan.
Ipinapakita ng pista ang pagiging Pilipino natin
ang kasiyahan, ang tibay ng pananampalataya, at ang pagmamahalan sa pamilya at komunidad. Sa bawat piyesta, muling nabubuhay ang diwa ng
bayanihan at pakikipag-kapwa na siyang puso ng kulturang Pilipino. Ang pista ay isang mahalagang bahagi ng ating pagka-Pilipino. Sa bawat sayaw,musika, pagkain, at tradisyonal na kasuotan,
naipapasa ang ating kultura at pananampalataya
sa mga susunod na henerasyon. Ito ay hindi
lamang isang simpleng kasiyahan kundi isang
pagpapatuloy ng ating kultura at tradisyon na sumasalamin sa tunay na diwa ng pagiging Pilipino.
Ipinasa ni: Darriel D. Orot
Ipinasa kay: Mrs. Marjorie C. Dela Cruz
Seksyon at Pangkat: STEM 11- Iris
Comments
Post a Comment